MRT-3, daragdagan ng 30% ang passenger capacity simula Oct. 19
Magdaragdag na ng passenger capacity ang Metro Rail Transit-3 (MRT-3) simula sa Lunes, October 19.
Sa isang statement, sinabi ng pamunuan ng MRT-3 na itataas nila sa 30 percent ang kapasidad ng mga pasahero mula sa naunang ipinatupad na 13 percent.
Ito ay nangangahulugang nasa 124 pasahero na ang maaairng sumakay sa bawat tren o katumbas ng 372 pasahero naman kada train set.
Ang anunsyong ito ng MRT-3 ay kasunod ng pahayag ng Department of Transportation (DOTr) na magiging isang upuan na lamang ang pagitan sa bawat pasahero o one-meter distancing rule mula sa 2-meters distancing na naunang ipinatupad.
Ang pagdaragdag sa bilang ng mga pasahero ay alinsunod sa pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos aprubahan ang rekomendasyon ng Economic Development Council, bahagi ng pagbangon muli sa ekonomiya dahil sa epekto ng Covid-19 Pandemic.
Ayon kay MRT-3 Director for Operations Michael J. Capati, maliban sa pagdaragdag ng passenger capacity, asahan aniya ang marami pang tren na idedeploy para sa mas maiksing paghihintay at mabilis na biyahe naman ng mga tren.
Nauna nang ipinahayag ng MRT-3 na nagdeploy sila ng karagdagang 22 tran set noong September 21, itinuturing na pinakamataas na bilang ng mga bumibiyaheng tren sa kasaysayan.
Mananatili naman aniya ang mahigpit na pagpapatupad ng mga health at safety protocol sa lahat ng istasyon ng MRT.
Kabilang dito ang pagsusuot ng face mask at face shield, bawal ang pag-uusap at phone calls at pagkain sa loob ng tren.