MRT-3 walang biyahe sa Abril 13 hanggang 17
Hindi bibiyahe ang Metro Rail Transit-3 sa panahon ng paggunita sa Mahal na Araw ng mga kababayan nating katoliko.
Batay sa inilabas na anunsiyo ng pamunuan ng MRT-3, hinto muna ang kanilang operasyon mula Abril 13 hanggang 17, dahil sa mga araw na ito ay isasagawa ang taunang preventive maintenance activities.
Babalik naman sa normal ang operasyon ng MRT sa darating na Abril 18, Lunes.
Ngayong buwan, sa kauna-unahang pagkakataon ay apat na bagon na ang nag-ooperate sa MRT-3, ang pangunahing linya ng tren sa bansa makaraang sumailalim sa maintenance ang mga tren nito noong December 2021.
Mas bumilis na rin ang biyahe dahil ang takbo ng mga tren na dati ay 30-kilometer per hour lamang, ay 60-kilometer per hour na ngayon.