Muling pagbuhay sa napakalaking loan program ng Pakistan, inaprubahan ng IMF
Inaprubahan ng International Monetary Fund (IMF) board ang isang kasunduan upang buhayin ang isang napakalaking loan program para sa Pakistan, habang ang bansa ay nakikipagbuno sa mapangwasak na monsoon flooding na nagpalala sa krisis sa ekonomiya.
Ang Washington-based crisis lender ay maglalabas agad ng $1.1 billion sa bansa, at nagdagdag pa ng $500 million sa kabuuang package kaya ito ay halos aabot na sa $6.5 billion.
Bukod dito, sumang-ayon din ang IMF sa kahilingan ng gobyerno na palawigin ang package hanggang sa June 2023.
Ang orihinal na $6 bilyon na bailout package ay nilagdaan ni dating Prime Minister Imran Khan noong 2019, ngunit paulit-ulit na naaantala nang ang kanyang gobyerno ay tumalikod sa mga napagkasunduang reporma sa mga subsidya at nabigo na mapabuti ang koleksyon ng buwis.
Sinabi ni IMF Deputy Managing Director Antoinette Sayeh, “The aid comes as Pakistan’s economy has been buffeted by adverse external conditions, due to spillovers from the war in Ukraine, and domestic challenges. Steadfast implementation of corrective policies and reforms remain essential to regain macroeconomic stability, address imbalances and lay the foundation for inclusive and sustainable growth.”
Noong isang buwan ay nagkaroon ng pakikipagkasundo ang gobyerno sa IMF staff na i-restart ang nasuspindeng aid package.
Dahil sa latest disbursements, ang kabuuang natanggap sa ilalim ng IMF Extended Fund Facility ay halos nasa $4 bilyon na.
Desperado ang Pakistan para sa internasyonal na suporta para sa ekonomiya nito, na mahina ang koleksiyon ng kita at lumiliit ang foreign reserves upang bayaran ang napakalaki nitong utang.
Isinisisi ng sunod-sunod na nakaraang mga administrasyon sa mga nauna sa kanila ang krisis sa ekonomiya ng bansa, ngunit ayon sa mga analyst, nagsanga ito mula sa dekada nang hindi maayos na pamamalakad at kabiguang aksiyunan ang korapsiyon at malakawakang pag-iwas sa buwis.
Sa ilalim ng deal na napagkasunduan sa IMF, kabilang sa policy priorities ang matatag na pagpapatupad sa budget upang mabawasan ang pangangailangang umutang.
Sumang-ayon din ang Pakistan na ipagpatuloy ang mga reporma sa power sector, higpitan ang patakaran sa pananalapi upang tugunan ang inflation, palakasin ang pamamahala, labanan ang katiwalian at pagbutihin ang social security net.
© Agence France-Presse