Mundo, ‘bigong’ protektahan ang mga sibilyan sa combat zones ayon sa UN chief
Sinabi ni UN Secretay-General Antonio Guterres, na bigo ang mundo na protektahan ang mga sibilyan dahil ang bilang ng mga taong naipit sa mga kaguluhan at ang kanilang humanitarian aftershocks ay sumirit paitaas noong isang taon.
Noong 2022, ang United Nations ay nakapagtala ng 53 porsiyentong pagtaas sa pagkamatay ng mga sibilyan kumpara noong 2021, kung saan halos 17,000 pagkamatay ng mga sibilyan ang naitala sa 12 mga hidwaan.
Banggit ang pagkamatay ng mga sibilyan sa Ukraine at Sudan, mga paaralang nawasak sa Ethiopia at pinsala sa water infrastructure sa Syria, nagbabala si Guterres sa UN Security Council na ang “mundo ay bigong tuparin ang pangako nitong protektahan ang mga sibilyan, mga pangakong nakasaad sa international humanitarian law.”
Si Guterres, na nakaupo sa tabi ni Russian ambassador Vasily Nebenzya, ay nagsabing lumitaw sa pananaliksik ng UN tungkol sa pagtrato sa mga sibilyan sa war zones na 94 na porsiyento ng mga biktima ng “explosive weapons” sa matataong mga lugar noong isang taon ay mga sibilyan, habang higit sa 117 milyong katao ang naharap sa malubhang kagutuman na pangunahing sanhi ng giyera at kawalan ng seguridad.
Sa Ukraine lamang, na nakikipaglaban sa pananakop ng Russia na higit isang taon na ngayon, ay nakapagtala ang UN ng halos 8,000 pagkamatay ng mga sibilyan at 12,500 injuries, bagama’t sinabing ang aktuwal na bilang ay malamang na mas mataas pa.
Dagdag pa nya, sa buong mundo, ang bilang ng refugees na napilitang lisanin ang kanilang mga tahanan “dahil sa hidwaan, karahasan, paglabag sa karapatang pantao at pagmamalupit” ay umabot na sa 100 milyon.
Nagsalita rin sa harap ng Security Council si Mirjana Spoljaric, pangulo ng International Committee of the Red Cross, na nagsabi sa mga miyembro na “as we meet, countless civilians in conflicts around the world are experiencing a living hell. Any minute, the next missile can obliterate their home, their school, their clinic and everyone in it. Any week, they might run out of food or medicine.”
Sinabi naman ni Alain Berset, pangulo ng Switzerland — na kinuha na ang rotating presidency ng council ngayong Mayo — na lahat ng sangkot sa isang hidwaan ay dapat na sumunod sa international humanitarian law.
Aniya, “Conflicts are the main drivers of hunger. More and more people are facing acute food insecurity, with most concentrated in conflict zones like the Democratic Republic of Congo, Sudan and the Sahel, or in other contexts where violence is endemic, such as Haiti.”
Tinukoy ni French ambassador to the UN Nicolas de Riviere, ang umano’y paglabag ng Russia sa karapatan Ukraine at ng Russian mercenary Wagner group sa Central African Republic at Mali.
Sinabi nito, “The rise in civilians killed in armed conflicts last year is very troubling.”
Dagdag pa ni Guterres, “Civilians have suffered the deadly effects of armed conflict for too long. It is time we live up to our promise to protect them.”