Murder case laban kay Cong Teves, target na ihain ngayong linggo – Remulla
Sisikapin ng Department of Justice (DOJ) na matapos ngayong linggo at maihain ang reklamong murder laban kay suspended Congressman Arnolfo Teves Jr. kaugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, nakausap niya ang isa sa mga piskal na may hawak sa kaso.
Nais lang aniya ng mga piskal na matiyak na malakas ang kaso laban sa Kongresista.
Sinabi pa ng kalihim na taliwas sa paniwala ng kampo ni Teves ay marami silang hawak na matibay na ebidensya laban sa kongresista.
Kaugnay nito, inihayag ni Remulla na aamyendahan ang mga murder case na una nang inihain laban sa mga nadakip na suspek sa pamamaslang.
Ito ay makaraang mamatay ang isa pa sa mga biktima na si Fredelino Cafe Jr. kaya 10 na ang pumanaw dahil sa krimen.
Paliwanag ni Remulla maghahain lang ang National Bureau of Invetigation (NBI) ng manifestation sa piskalya para ipabatid na ang isa sa mga biktima na complainant sa reklamong frustrated murder ay namatay na rin.
Moira Encina