Murray wagi laban kay Wawrinka sa Cincinnati battle of veterans
Nakuha ni Andy Murray ang una niyang panalo sa hardcourt match, matapos talunin si Stan Wawrinka sa score na 7-6 (7/3), 5-7, 7-5 sa opening round ng ATP/WTA Cincinnati Masters.
Natalo ang 35-anyos na si Murray sa first round sa Washington at noong isang linggo sa Montreal, habang ang huling panalo ng 37-anyos na Swiss na si Wawrinka ay dalawang buwan na ang nakalilipas sa grasscourt sa Queen’s Club, London; at hindi pa siya nananalo sa hardcourt mula noong isang taon sa Australian Open.
Kinailangan ni Murray ng apat na match points para umabante sa torneyong dalawang ulit na niyang naipanalo, noong 2008 at 2011. Ang beterano ay ika-17 ulit nang maglalaro rito.
Sinabi ni Murray, “We’re not young anymore. Both of us gave our best right until the end. Matches like this are a lot tougher than when we were in our mid-20s. Both of us love this sport, we’ve had our issues with injuries the last few years. The sport has been a huge part of my life, I started playing when I was four.”
Samantala, pasok din sa second round ang kababayan ni Murray na si Cameron Norrie nang matalo nito ang kalabang si Dane Holger Rune sa score na 7-6 (7/5), 4-6, 6-4.
Ang iba pang nagwagi sa opening day ay kinabibilangan ng 2016 champion na si Marin Cilic, na tumalo kay Jaume Munar ng Spain sa score na 6-3, 6-3, at ang Amerikanong si John Isner, ang 2013 finalist laban kay Rafael Nadal, na umabante at naungusan si Benjamin Bonzi ng France sa score na 7-6 (13/11), 3-6, 7-6 (7/4).
Sa WTA draw, tinalo ng Wimbledon champion na si Elena Rybakina ang Egyptian na si Mayar Sherif sa score na 6-3, 6-2, habang bigo naman ang 9th seed na si Daria Kasatkina laban sa American na si Amanda Anisimova sa score na 6-4, 6-4.
© Agence France-Presse