MWSS Regulatory Office iniimbestigahan ang Maynilad dahil sa dagsa ng mga reklamo sa mga isyu sa suplay at kalidad ng tubig
Binalaan ng MWSS Regulatory Office ang Maynilad na hindi ito magdadalawang-isip na patawan ito ng mga parusa kapag mapatunayang nilabag ng water firm ang mga contractual obligations nito.
Sa harap ito ng dagsa ng mga reklamo mula sa customers ukol sa matagal na water interruption sa ilang lugar at isyu ng kalidad ng tubig ng Maynilad.
Ayon sa MWSS RO, iniimbestigahan na nila ang Maynilad dahil sa isyu.
Ang mga reklamo na natanggap at na-monitor ng MWSS ay partikular sa mga lungsod ng Muntinlupa, Las Piñas, Parañaque, at ilang bahagi ng Cavite.
Nababahala ang MWSS RO sa epekto nito sa kalusugan at kapakanan ng mga konsyumer.
Alinsunod sa concession agreement ng Maynilad, inaasahan na makapagbibigay ito ng 24 oras na suplay ng tubig sa mga siniserbisyuhang lugar at ang kalidad ng tubig na isinusuplay ay alinsunod sa Philippine National Drinking Water Standards na itinakda ng DOH.
Moira Encina