‘My heart is still there’: Zac Efron, interesadong bumalik sa ‘High School Musical’
Nagkaroon ng big break sa entertainment industry ang aktor na si Zac Efron, nang bumida siya bilang heartthrob teen na si Troy Bolton sa “High School Musical” films ng Disney, at hindi na sorpresang may kasabikan pa rin sa aktor na bumalik sa franchise.
Sa promosyon ng kaniyang paparating na pelikulang “Firestarter,” natanong si Efron kung interesado siyang gumawa ng isang reboot ng “High School Musical.”
Ayon sa aktor . . . “Of course. To have an opportunity in any form to go back and work with that team would be so amazing. My heart is still there. That would be incredible. I hope it happens.”
Alam na alam ni Efron na talagang napasigla ng pelikula ang kaniyang career at nakilala siya ng husto sa industriya dahil dito, kung saan naibahagi pa niya sa isang panayam na sa kaniyang biyahe sa Papua New Guinea, na kilala siya tribong nagsilbing host nila sa loob ng dalawang linggo.
Kuwento ni Efron . . . “By the end of the trip, a couple of them came up to me with cellphones and FaceTimed their cousins and wives living in other places all over the world,” at idinagdag na nasorpresa siyang makikilala siya ng mga tao sa ganong lugar na ika nga’y “off the grid” at siya mismo ay ni walang dalang cellphone.
Ayon pa sa aktor . . . “They knew who I was the whole time and didn’t say anything about it!”
Matapos magbida sa tatlong “High School Musical” movies, nakasama rin si Efron sa mga pelikulang “17 Again,” “Neighbors,” “Baywatch,” at “The Greatest Showman.”
Samantala, muling binuhay ng Disney ang “High School Musical” hype sa pamamagitan ng paggawa ng spin-off sequel show na “High School Musical: The Musical: The Series” na pinagbibidahan ng award-winning Filipino-American artist na si Olivia Rodrigo.
Ang cast ng “beloved musical films” na sina Ashley Tisdale, Corbin Bleu, at isa pang Fil-Am artist na si Vanessa Hudgens, pati na rin ang spin-off series ay nagtipon para sa isang Zoom reunion na inorganisa ng Disney sa mga unang araw ng pandemya ng COVID-19 noong 2020, kung saan kinanta nila ang hit song na “We’re All In This Together.”
Hindi nakasama rito si Efron subali’t nagpadala siya ng isang introductory video.