N.American box office, dinomina ng ‘Barbie’ sa ‘makasaysayang’ weekend opening nito
Dinomina ng “Barbie” ng Warner Bros. ang North American box offices sa kaniyang debut weekend, kung saan kumita ito ng $155 million na halos doble ng kinita ng mahigpit nitong katunggali na “Oppenheimer.”
Sabay na ipinalabas at tinagurian pa ngang “Barbenheimer,” ang darker biopic ng Universal ay kumita naman ng $80.5 million.
Ang hindi sinasadyang parehong araw ng pagpapalabas ng dalawang magkaibang-magkaiba ngunit kapwa inaabangang mga pelikula, ay lumikha ng sinasabing “bottom-up pop-culture” phenomenon kung saan pareho nilang nalampasan ang kani-kaniyang individual marketing.
Pareho ring nakatulong ang “Barbie” at “Oppenheimer” na magdala ng pulu-pulutong na mga manonood sa mga sinehan, sanhi upang makabawi ang industriyang lubhang naapektuhan.
Tinawag ng isang analyst ang opening ng “Barbie” na “record-shattering,” dahil wala pa aniyang alinmang comedic film na umabot ng higit sa $85.9 million ang kinita sa isang 3-day weekend. Maituturing din aniyang nagkaroon ng isang “superb opening,” ang “Oppenheimer.
Batay sa pagtaya ng industriya, nasa dalawangdaang libong katao ang bumili ng tiket para sa dalawang pelikula sa iisang araw, habang milyon pa ang inaasahang manonood sa mga darating na araw.
Samantala, nasa ikatlong puwesto ang kontrobersiyal na action thriller ng Santa Fe Films at Angel Studios na “Sound of Freedom,” na kumita ng $20.14 million.
Pang-apat at pang-lima naman ang “Mission: Impossible – Dead Reckoning Part One” ng Paramount na pinagbibidahan ni Tom Cruise na kumita ng $19.5 million at “Indiana Jones and the Dial of Destiny” na kinatatampukan ni Harrizon Ford, na kumita ng $6.7 million.
Pasok naman sa ika-anim hanggang ika-sampung puwesto ang sumusunod na mga pelikula:
“Insidious: The Red Door” ($6.5 million)
“Elemental” ($5.8 million)
“Spider-Man: Across the Spider-Verse” ($2.8 million)
“Transformers: Rise of the Beasts” ($1.12 million)
“No Hard Feelings” ($1.07 million)