Nadal at Osaka magbabalik sa Australian Open
Muling magbabalik sa paglalaro ngayong linggo si Rafael Nadal mula sa pabalik-balik na injury, habang ang kapwa niya superstar na si Novak Djokovic ay sinimulan na ang kaniyang pagtatangka para sa ika-11 niyang Australian Open title sa Perth.
Noong nakaraang season ay lumilitaw na ang mga beterano, na may 46 na mga korona ng Grand Slam sa pagitan nila, ay maaaring hindi na muling makibahagi sa isang competitive court.
Ngunit bumalik ang pag-asa ngayong si Nadal ng Spain ay nakakarecover na mula sa mga operasyon niya sa balakang, na naging sanhi upang hindi siya makapaglaro ng halos isang taon.
Sinimulan niya ang nakatakdang maging farewell season sa Brisbane International mula Disyembre 31-Enero 7, kasama sina Andy Murray at world number eight Holger Rune.
Mas pinili naman ng top-ranked na si Djokovic ang mixed teams United Cup sa Perth at Sydney, na magsisimula sa Biyernes, gaya ng kapwa niya top 10 players na sina Stefanos Tsitsipas, Alexander Zverev at Taylor Fritz.
Pagkatapos nito, si Nadal at Djokovic ay maglalaro sa courts ng Melbourne Park para sa Australian Open simula January 14,na maaaring huling pagsasama na nila.
Ang 22-time Grand Slam tournament winner na si Nadal ay hindi na nakapaglaro simula nang matalo sa Amerikanong si Mackenzie McDonald sa 2nd round ng Australian Open ngayong taon, na nauwi sa ayon kay coach Carlos Moya, “was a winding, tortuous road, with many curves.”
Ngayong 37 anyos na siya, sinabi ni Nadal, “I don’t expect “nothing” from myself this time around. I have internalized what I have had throughout my life, which is demand myself the maximum. Right now what I really hope is to be able not to do that, to accept things are going to be very difficult at the beginning and give myself the necessary time.”
Simula nang hindi makapaglaro, si Nadal ay naungusan na sa kabuuang bilang ng Grand Slam tournaments na napanalunan ng kaniyang Serbian arch-rival na si Djokovic, na ang target ngayon ay makuha ang isang all-time record 25th major title sa Melbourne.
Ang 36-anyos na Serbian ay nagwagi ng tatlong Grand Slams ngayong 2023, subalit tinapos ang season na may dalawang talo laban sa umuusbong na Italian player na si Jannik Sinner sa Davis Cup.
Tinalo rin ng Spanish world number two na si Carlos Alcaraz si Djokovic sa Wimbledon final.
Samantala, mangyayari na rin ang matagal nang inaabangang pagbabalik ng four-time Grand Slam champion na si Naomi Osaka sa Brisbane, makaraang hindi makapaglaro simula noong September 2022.
Aminado ang Japanese star, na isinilang ang kaniyang anak na babae noong July at nagkaroon ng problema sa kaniyang mental health, na kinakabahan siya pero nasasabik nang maglaro.
Aniya, “I definitely want to win more Grand Slams.”