Naging paboritong takbuhan na umano ng mga dayuhang pugante sa batas ang Pilipinas.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, may 157 bansa ang hindi na kailangan ng visa at malayang nakakapasok sa pilipinas.
“Araw-araw tayo ay may problema sa fugitives. 157 visa free nakakapasok sa atin. Nung kausap ko bagong consul ng Korea, Pilipinas paborito takbuhan ng mga Korean fugitives.” pahayag ni BI Commissioner Norman Tansingco.
Ang problema ayon kay Tansingco, nalalaman nalang nila na may mga dayuhang pugante ang nasa bansa kapag nakipag-ugnayan na sa kanila ang embahada nito.
Sa datos ng BI, kabilang sa top 3 mga dayuhang nakakulong sa immigration facility sa Taguig ay mga Korean, Chinese at Amerikano.
Ang problema, hirap sila sa pagpapadeport sa mga ito dahil sa kanilang scheme na nagpapasampa ng kaso para lang hindi maipadeport.
Kaya para masolusyunan ang problema, nakikipag-ugnayan na aniya ang BI sa mga Embahada para sa data sharing ng kanilang mga fugitive.
“Nagpadala na ko proposal sa Embassy counterpart padalan tayo listahan ng fugitives nila para sa airport pa lang maharang na data sharing.” dugtong pa ng BI Commissioner.
May 3 bansa na raw ang pumayag sa data sharing at target nilang masimulan ito sa lalong madaling panahon.
Sa gitna ng mga nangyaring hacking incident sa ilang ahensya ng gobyerno. Tiniyak ni tansingco na bagama’t may mga namonitor silang hacking attempt pero wala namang nagtatagumpay.
Sa gitna naman ng isyu ng escort service sa mga paliparan, tiniyak ni Tansingco na iniimbistigahan nila ito.
“Hindi naman natin sinasabi walang ganung nangyayari sa airports but we are checking. In fact may mga nahuli na rin tayong ganoong operation nakasuhan na narin sila ng administrative cases.” wika pa aniya ng BI Commissioner
Bago matapos ang taon, target na rin nilang maipatupad ang paglalagay ng body camera sa kanilang mga tauhan na nasa sensitibong puwesto sa frontline para mapigilan ang mga iligal na aktibidad.
Madelyn Moratillo