Nagpakalat ng viral video na nagagalit si Senador Villar, kakasuhan
Ikinukunsidera ni Senadora Cynthia Villar na patawan ng legal na aksyon ang nasa likod ng pagpapakalat ng viral video na pinagagalitan niya ang isang security guard sa isang village sa Las Piñas City.
Nagsalita si Senadora Villar sa insidente at naniniwala siyang may “masamang balak” aniya ang kumuha at nagpakalat ng video.
Sabi ng mambabatas, komunsulta na siya sa kaniyang abugado kaugnay ng isyu.
“I don’t want people to remember me as a senator who just keep quiet, fight for what is right and what is good for the people… but I don’t want to talk about it because we are going to court,” paliwanag pa ni Senadora Villar.
Aminado ang Senador na sinita niya ang security guard para kwestyunin bakit nilagyan ng barikada ang kalsada.
Dati aniyang puno ng squatter ang lugar pero ni-relocate ang mga nakatira doon, pero ipinalinis at naglagay ng eastment o kalsada at tinayuan ng composting facility para doon na ilalagay ang basura ng mga residente.
Nilinaw din ng Senador na hindi siya nanakit ng sinuman sa mga security guard.
“Eh ang laki, laki niya, alangan naman saktan ko siya. He has a gun, masasaktan mo ba yan? Ang tapang ko naman, ang liit-liit ko wala akong baril, siya meron,” dagdag pa ng mambabatas.
Itinanggi din ni Villar ang mga kumalat sa social media na nagalit siya at nagwala.
“Wala namang outburst, it’s for public use its not for me. Composting program has been there for 20 years. Given an international award,” sabi pa ng mambabatas.
Hinala ni Villar na posibleng na trap siya o sadyang pinlano ang pagkuha ng video.
Matagal na aniyang may galit sa kaniya ang Homeowners Association ng BF Resorts Village sa Las Piñas matapos niyang kasuhan dahil sa paniningil ng P2,500 para sa sticker sa mga sasakyang dumadaan doon.
Nagsampa ng kaso ang Senador sa korte at nakakuha ng Temporary Restraining Order (TRO) para makadaan ang mga taga-Las Piñas na may libreng friendship route sticker batay sa ordinansa na ipinasa ng local government unit (LGU).
Sa ipinasang ordinansa ng Las Piñas LGU, pinabuksan ang mga subdivision para madaanan ng mga residente doon dahil na rin sa matinding traffic.
Meanne Corvera