Nagwewelgang mga aktor, nagmartsa sa New York
Daan-daang US entertainment workers ang nag-rally sa labas ng New York headquarters ng Amazon at HBO, at nangakong ipagpapatuloy ang welga na nagpahinto sa entertainment industry ng Hollywood hangga’t hindi ibinibigay ang kanilang hinihingi.
Sinabi ni Ezra Knight, presidente ng New York branch ng actors’ union na SAG-AFTRA, “The movement has not stopped, the movement has only grown. We’re still here, we’re still fighting.”
Ang Writers Guild of America (WGA) ay nag-walk out noong Mayo, at sinamahan sila ng mas malaking grupo ng Screen Actors Guild noong Hulyo.
Bukod sa nahinto ang mga produksiyon sa pelikula at telebisyon, ang kambal na welga ay naging dahilan din ng pagpapaliban sa Emmy Awards.
Humihingi ang mga unyon ng mas maayos na bayad, garantiya na lilimitahan ang paggamit sa artificial intelligence, at iba pang pagpapabuti sa kanilang working conditions.
Una nang inanunsiyo ng WGA ngayong buwan, na babalik na ito sa negotiating table matapos humiling ang mga studio ng pagpupulong upang pag-usapan ang mga pamamaraan para matapos na ang welga.
Ayon sa WGA, tinanggap nila ang kahilingan na makipagpulong sa Alliance of Motion Picture and Television Producers (AMPTP), na kinabibilangan ng mga studio na gaya ng Disney at Netflix.
Sinabi ni Knight, “(That) means there may be hope, for us, too, because it means the AMPTP has started to rethink things, and come to the table with an idea and a bargain.’
Ayon sa aktres na si Laura Houha, “I hoped to have been back at work by now. Hopefully the loud sounds that we’re making are being heard by the powers that be and they’re seeing that there’s more of us than there are of them.”