NAIA at ibang mga paliparan sa mga lugar na dinaanan ng bagyo, walang tinamong pinsala
Maliban sa ilang flight cancellations, nanatiling normal ang operasyon at wala ring naitalang malaking pinsala ang mga paliparan sa mga lugar na dinaanan ng Bagyong Karding.
Ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA), wala ring power at water interruptions at mga pinsala sa buhay at ari- arian ang naiulat sa paliparan.
Noong Lunes, umabot sa 39 domestic flights at 2 international flights ang kinansela sa NAIA.
Nagsagawa ng clearing operations ang engineering at operations teams ng MIAA sa airside at landside areas NAIA.
Sinuri ang runways at taxiways para sa anumang foreign object debris gaya ng mga maliliit na bolts at equipment part na dinala ng malakas na hangin.
Ayon sa MIAA, maaaring magdulot ng hazard ang mga debris kapag ito ay nahigop ng plane engines at maging sanhi ng damage sa eroplano at iba pang safety concerns.
May ilang puno na natumba sa mga kalsada patungong NAIA pero wala naman itong idinulot na pinsala.
Sinabi rin ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na walang malaking pinsala at normal ang passenger terminal at boarding operations sa CAAP Areas 1 hanggang 5 sa Luzon.
Wala ring major damages ang iniulat sa Clark International Airport at nagbalik sa normal ang operasyon ng paliparan ng 3:00 ng madaling araw ng Lunes.
Moira Encina