NAIA runway, bukas na matapos maalis ang sumadsad na Xiamen airplane
Nagbukas na muli ang runway ng NAIA o Ninoy Aquino International Airport alas-11:34 ng umaga kanina.
Mas maaga itong nagbukas sa naging anunsyo ng Manila International Airport Authority o MIAA na bubuksan ito pasado alas -12:00 ng tanghali ngayong Sabado, Agosto 18 upang bigyang daan ang demobilization ng mga heavy equipment na ginamit sa pag-alis ng sumadsad na eroplano ng Xiamen airlines at paglilinis na rin sa mga naiwang debris sa runway.
Pasado alas-7:00 kaninang umaga nang tuluyang maialis ang eroplano ng Xiamen airlines sa runway at dinala sa Balagbag ramp.
Samantala, sa muling pagbubukas ng runway, ipaprayoridad ang mga flight na naka-schedule ngayong araw kaysa sa mga naantalang flights.
Ayon sa MIAA, ang mga rebooked at delayed flights ay maghihintay pa ng hanggang hatinggabi bago maibalik muli ang kanilang mga biyahe.
Ang mga regular flights lamang ang papayagang gumamit ng international runway 06/24 at ang mga recovering flights ay makakagamit ng nasabing runway simula bukas ng alas-sais ng umaga, Linggo.
Ang flight 0333 patungong El Nido, Palawan ang unang nakagamit ng runway nang muli itong magbukas kanina. sumunod naman ang Philippine Airlines flights PR-12610 na may biyaheng Davao.
============