Naisin ni Senador Trillanes na imbestigahan ang umano’y tagong bank account ni Pangulong Duterte, lumang tugtugin na- Malakanyang
Tinawag ng Malakanyang na lumang tugtugin o lumang balita na ang resolusyon ni Senador Antonio Trillanes IV na imbestigahan ng Senado ang umano’y tagong bank accounts ni Pangulong Duterte na nagkakahalaga ng 211 milyong piso na nakalagak sa 17 bank accounts.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque na panahon pa ng kampanya inilalako ni Trillanes ang akusasyong tagong yaman laban sa pamilya Duerte.
Ayon kay Roque, mali-mali ang datos ni Trillanes na pinabulaanan na mismo ng anti-money laundering council o AMLC.
Inihayag ni Roque na walang naipapakitang matibay na ebidensya si Trillanes.
Kaugnay nito, tiwala si Roque na hindi magagamit ng oposisyon ang expose ni Trillanes para ibagsak si Pangulong Duterte gaya ng kanilang ginawa kay dating Pangulong Joseph Estrada gamit ang kontrobersiyal na Jose Velarde account.
Buwelta pa ni Roque baka plano ng oposisyon na manawagan ng People power para ibagsak ang Pangulo ay mabaliktad at maging people power laban sa oposisyon.
Ulat ni Vic Somintac
==== end ====