Nakararaming populasyon sa bansa, may kakulangan sa Vitamin A – DOST-FNRI
Mataas ang panganib sa pagkakaroon ng Vitamin A deficiency ang nasa vulnerable groups.
Ito ang natukoy sa isinagawang online Dissemination Forum on Expanded National Nutrition Survey (ENNS) ng Department of Science and Technology –Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI).
Sinabi ni Ms. Glenda Azana, Science Research Specialist II, Nutritional Assessment and Monitoring Division ng DOST-FNRI, halos lahat ng grupo ng populasyon, bata man o matanda ay may kakulangan sa pagkonsumo ng Vitamin A.
Kabilang sa grupong tinutukoy na may kakulangan sa pagkonsumo ng Vitamin A ay mga batang ang edad ay anim na buwang gulang hanggang limang taon, mga buntis at hindi buntis, mga breastfeeding mother o hindi na ang edad ay 15 hanggang 49 at ang women of reproductive age at ang mga senior citizen na ang edad ay 60 pataas.
Binigyang-diin ni Azana na ang Vitamin A ay napakahalagang makonsumo ng mga nabanggit na grupo para sa kanilang tamang nutrisyon at kalusugan.
Aniya, kapag ang isang tao ay kulang sa Vitamin A, maaari itong maging sanhi ito ng night blindness o nahihirapang makakita.
Sinabi ni Azana na kapag ito ay napabayaan, ito ay magdudulot ng ibat ibang uri ng sakit sa mata hanggang tuluyan nang maapektuhan ang paningin ng isang tao.
Payo ni Azana, ugaliin na kumain ng mga pagkaing sagana sa Vitamin A, gaya ng atay, itlog, keso, dilaw, berde at madadahong gulay, dilaw na prutas, at lamang-dagat.
Dagdag pa ni Azana, mainam din na piliin ang mga pagkaing dinagdagan o fortified Vitamin A at mga pagkaing mayroong Sangkap Pinoy Seal dahil ito ang mga pagkain na dinagdagan ng Vitamin A.
Belle Surara