Namatay dahil sa COVID-19 sa buong mundo, umabot na sa 5 milyon
Limang milyong katao na sa buong mundo ang namatay dahil sa Covid-19 mula nang unang lumitaw ang sakit sa China, halos dalawang taon na ang nakalilipas.
Ang bilang ay naitala halos apat na buwan pa lamang ang nakararaan matapos maitala ang apat na milyong pagkamatay, bagamat bumagal na ang mortality rate bunsod ng global vaccine rollout kung saan bilyun-bilyong katao na ang nabakunahan.
Bagama’t ang bilang ng mga nasasawi araw-araw sa buong mundo ay bumaba ng 8,000 sa unang pagkakataon sa loob ng halos isang taon sa unang bahagi ng Oktubre, mayroon pa ring global blackspots.
Ayon kay World Health Organization (WHO) head Tedros Adhanom Ghebreyesus, ang kabuuang bilang ng kaso at mga namamatay sa Covid-19 ay tumaas sa unang pagkakataon sa loob ng 2 buwan, dahil sa kasalukuyang pagtaas ng epidemya sa Europe.
Sa pagtaya rin ng WHO, ang tunay na bilang ng mga nasawi ay 2-3 ulit na mas mataas kaysa opisyal na naitatala dahil sa iba pang pagkamatay na direkta o hindi direktang iniuugnay sa Covid-19.
Tiningnan ng Economist magazine ang nabanggit na mga pagkamatay, at ang naging konklusyon nila ay nasa 17 milyon na ang namatay sanhi ng Covid-19.
Ayon kay Pasteur Institute epidemiologist Professor Armaud Fontanet . . . “This figure seems more credible to me.”
Anu’t-anoman, ang bilang ng mga namatay ay mas mababa kaysa iba pang historical pandemics gaya ng Spanish flu na ikinasawi ng 50-100 milyong katao noong 1918-1919.
Sa kabila nito, sinabi ng virologist sa French institute na si Jean-Claud Manuguerra na marami pa ring buhay ang nawala dahil sa Covid-19 sa maikling panahon.
Ayon kay Fontanet . . . “It could have been a lot more dramatic without all the measures taken particularly restrictions on movement of people and then the vaccinations.” (AFP)