Napakalaking wildfire sa Greece nakokontrol na
Nakokontrol na ng mga bumbero ang napakalaking sunog na dalawang linggo nang naglalagablab sa Dadia National Park sa hilagang-silangan ng Greece.
Inuri ng mga eksperto bilang isang “megafire,” ang nagngangalit na sunog sa Dadia ay tumupok na ng higit sa 81,000 ektarya ng kagubatan, na protektado ng European agency na Natura 2000.
Sinabi ng tagapagsalita ng gobyerno na si Pavlos Marinakis, “According to the latest information from our firefighters, the Dadia fire front is on its way to being completely under control, and the teams were staying in position to survey the area.”
Ayon sa European climate service na Copernicus, ang pinsala sa Dadia ay kumakatawan sa halos kalahati ng kabuuang area na tinupok ng wildfires sa Greece simula nang mag-umpisa ang summer.
Sinabi ni Greek Prime Minister Kyriakos Mitsotakis, na tulad ng iba pang mga bansa sa Mediterranean, ang Greece ay humaharap sa matitinding wildfires tuwing summer, na ngayong taon ay ikinasawi ng 26 katao at ikinasunog ng hindi bababa sa 150,000 ektarya.
Nanawagan si Mitsotakis ng kompensasyon para sa mga magsasaka at mga tao sa mga apektadong rehiyon, na ang mga bahay ay napinsala.
Sinabi ng isang tagapagsalita ng gobyerno, na bibisita ang prime minister sa Evros region, tahanan ng Dadia forest, upang alamin ang pinsala at makipagkita sa mga residenteng naapektuhan ng sakuna.
Noong nakaraang linggo, ay inanunsiyo rin ng gobyerno ang mga hakbang na naglalayong muling tamnan ang lugar at upang labanan ang pagbaha.
Sinabi ng tagapagsalita ng gobyerno, “After the prolonged risk of fires, the meteorological service has warned of serious bad weather which could hit our country in the coming days. Authorities are on alert… and we ask citizens to carefully follow instructions given.”