Napatalsik na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo susubukan ng Senado na paharapin sa hearing bukas
Susubukan ng Senado na mapaharap sa nakatakdang pagdinig bukas, ang napatalsik na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.
Ayon kay Senador Risa Hontiveros na chairman ng Senate Committee on Women, Children and Family Relations, may ugnayan na sila ng Bureau of Immigration at National Bureau of Investigation, para sa mabilis na pagpapabalik sa bansa kay Guo.
Photo: senate.gov.ph
Aniya, sa abiso sa kanila ng NBI, pagbalik sa Pilipinas ay dadalhin muna si Guo sa immigration para sa pagpoproseso ng kaniyang kaso, kabilang na ang pagiging pekeng Pilipino saka dadalhin sa NBI para i-proseso naman ang criminal charges laban sa kaniya.
Kapag natapos ang proseso ay saka siya iti-turn over sa Senado at doon siya maaaring ikulong.
Ang Senado kasi ang may standing warrant of arrest laban kay Guo, matapos itong ipa-contempt dahil sa hindi pagsipot sa mga imbestigasyon sa isyu ng ilegal na operasyon ng POGO sa Bamban sa Tarlac, at sa Porac, Pampanga at mga krimen na may kaugnayan dito tulad ng kidnapping at human trafficking.
Ayon sa mga senador, hindi sila papayag na isangkalan ni Guo ang hindi niya alam at gamitin ang kaniyang rights against self incrimination.
Kailangan anilang ikanta nito kung sino ang kaniyang mga kasabwat sa pagtakas palabas ng Pilipinas, at sa kaniyang negosyo sa POGO.
Sa ngayon ay nakakulong pa sa Senado ang ipinakilalang kapatid ni Alice na si Sheila Guo.
Meanne Corvera