Napaulat na pag-leak online ng legal documents mula sa OSG, iniimbestigahan na
Iniimbestigahan na ng Office of the Solicitor General ang ukol sa sinasabing data breach ng mga sensitibong legal documents nito.
Ayon kay Justice Undersecretary at Spokesperson Emmeline Aglipay- Villar, batay sa pahayag sa kanya ng OSG ay may isinasagawa ng imbestigasyon sa napaulat na pag-leak online ng mga nasabing dokumento.
Tinanong ni Villar ang OSG ukol sa isyu matapos na tanungin ng mga mamamahayag na humihingi ng kumpirmasyon sa ulat.
Sinabi pa ni Villar na sa panig ng DOJ at ng Office of Cybercrime ay walang natatanggap na report ang mga ito kaugnay sa sinasabing data exposure ng mga court documents.
Batay sa report, nadiskubre ng UK security firm na TurgenSec na nasa 345,000 court documents mula sa OSG ang naisapubliko online nang hindi bababa sa dalawang buwan at inalerto ang OSG ukol dito.
Naalis na raw ang mga nabanggit na legal documents online noong Abril 28 pero ang iba sa mga ito ay naka-cache sa search engine ng Google at maaaring makita sa open web.
Nababahala ang security company na ang leaked documents ay maaaring makaapekto sa mga ongoing na kaso sa korte.
Ayon sa TurgenSec, nailagay sa open web ang mga legal documents dahil sa “misconfigured server” o kung aksidenteng nailagay ng administrator ang mga set ng dokumento sa “public” sa halip na “private.”
Moira Encina