Nararanasang ‘frost’ sa ilang bahagi ng Benguet, hindi makaaapekto sa suplay ng gulay
Hindi makaaapekto sa arawang suplay ng gulay sa rehiyon ng Cordillera, ang nararanasang “frosting phenomenon” sa ilang bahagi ng bayan ng Atok sa Benguet.
Ayon kay Mayor Raymundo Sarac . . . “The frost in Atok happens in a very small portion of a garden, less than a half hectare, and the vegetables are not completely damaged. The frost does not affect the supply and the prices. No, it will not and the highland vegetables commonly known as “chopsuey” vegetables, are also grown by the 12 other towns of the province, including the capital La Trinidad.
Batay sa datos mula sa Department of Agriculture sa Cordillera Administrative Region (DA-CAR), bukod sa kabuuan ng Benguet, ang ilang bayan sa Ifugao at Mountain Province ay mayroon ding mga tanim na highland vegetable, na maaaring pagkunan ng dalawang milyong kilong gulay.
Ang karaniwang pang-araw-araw na produksyon ng gulay ng Cordillera ay binubuo ng humigit-kumulang 85 porsiyento ng kabuuang produksyon ng highland vegetable ng bansa.
Ani Sarac . . . “If it is the whole Benguet that is affected by frost, then we can say the supply is affected which will also affect the prices. As I have said, it is not even one-half jeep load of vegetables if they are even affected. The farmers have learned how to deal with the effects of the frosting. The farmers know that since many years ago because frost had been there during cold weather for decades already.”
Kabilang aniya rito ay ang pagtatanim ng mga gulay na maaari nang anihin agad pagdating ng Nobyembre.
Ang frost ay pautay-utay na nararanasa simula Disyembre hanggang Pebrero, kung saan ang hamog sa madaling araw ay nagyeyelo bilang resulta ng malamig na temperatura.
Ngayong Biyernes ng madaling araw, naitala ng Agromet Station sa Benguet University sa La Trinidad, ang temperaturang 10.7 degrees Celsius – ang pinakamababang temperaturang naitala sa lugar ngayong taon.
Sinabi ni Sarac, na natutunan na rin ng mga magsasaka na buksan ang water sprinklers sa madaling araw para tunawin ang yelo bago sumikat ang araw at tumama sa mga pananim upang maiwasan ang pagkasira ng mga ito.
Ayon pa sa alkalde, kung may nasira sa mga pananim sanhi ng frost ay iuulat ito ng mga magsasaka sa municipal agriculture office.