Nasa anim na milyong pisong halaga ng marijuana, nasabat sa Benguet
Nasa anim na milyong pisong halaga ng marijuana ang nasamsam ng mga awtoridad sa Kapangan, Benguet kung saan tatlo katao ang naaresto.
Ang tatlo na nahuli ng pulisya na nagbabantay sa isang checkpoint ay nakilalang sina Mary Ann Felipe Del Rosario, Simiano Tadina Patingan, at Jun Comot Colera.
Ayon sa mga pulis, pinahinto nila ang Mitsubishi Montero na gamit ng mga suspek para ito ay inspeksiyunin, nang makita nila ang hinihinalang marijuana sa loob ng sasakyan.
Napansin din ng isang opisyal ng pulis na may nakasukbit na baril sa baywang ni Colera.
Ang mga suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, si Colera ay kakasuhan din ng paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon kay PNP Chief Guillermo Eleazar . . . “Kung hindi sa masusing pagbabantay at pagiging alerto ng ating kapulisan, marahil ay nakalusot na naman itong mga suspek na ito at naidala itong marijuana sa plano nilang pagdalhan.”
Ipinag-utos ni Eleazar ang pagsasagawa ng follow-up operation, upang malaman ang pinagmulan ng naturang ilegal na droga.