NASA, naglunsad ng spacecraft upang imbestigahan kung ang buwan ng Jupiter na Europa ay maaaring tirhan
Inilunsad ng NASA ngayong Lunes ang isang spacecraft mula sa Florida, sa isang misyon na imbestigahan kung ang buwan ng Hupiter na Europa ay may mga kondisyon na aangkop sa mga bagay na may buhay, na nakatuon sa malaking subsurface ocean na pinaniniwalaang nasa ilalim ng makapal na outer shell ng niyebe o ice.
Ang Europa Clipper spacecraft ay nagtake off mula sa Kennedy Space Center sa Cape Canaveral lulan ng isang SpaceX Falcon Heavy rocket.
Ang robotic solar-powered probe ay nakatakdang pumasok sa orbit sa paligid ng Jupiter sa 2030 pagkatapos maglakbay ng nasa 2.9 bilyong kilometro sa loob ng lima at kalahating taon.
Ang paglulunsad ay noong isang linggo pa pinlano ngunit hindi itinuloy dahil sa Hurricane Milton.
Ito ang pinakamalaking spacecraft na binuo ng NASA para sa isang planetary mission, na ang haba ay nasa 30.5 metro at nasa 17.6 metro naman ang lapad, na ang mga antenna at solar arrays ay fully deployed, mas malaki kaysa isang basketball court, at ang bigat ay tinatayang 6,000 kilo.
Kahit na ang Europa, ang pang-apat na pinakamalaki sa 95 na opisyal na kinikilalang buwan ng Jupiter, ay sang-kapat (1/4) lamang ng diameter ng Mundo, ang malawak na global ocean nito ng maalat na tubig ay maaaring doble ang dami ng tubig sa mga karagatan ng Mundo.
Ang mga karagatan ng Mundo ang inaakalang pinagmulan ng buhay sa ating planeta.
Ang Europa, na ang diameter na humigit-kumulang 3,100 kilometro ay humigit-kumulang 90 porsiyento ng ating buwan, ay tinitingnan bilang isang potensyal na tirahan bukod sa Mundo sa ating solar system. Ang Icy shell nito ay pinaniniwalaang 15 – 25 kilometro ang kapal, na nasa ibabaw ng isang karagatan na 60 – 150 kilometro ang lalim.
Sa prelaunch briefing nitong Linggo ay sinabi ni NASA Associate Administrator Jim Free, “Europa boasts one of the most promising environments for potential habitability in our solar system, beyond Earth, though this mission will not be a search for any actual living organisms.”
Aniya, “What we discover on Europa, will have profound implications for the study of astrobiology and how we view our place in the universe.”
Sinabi naman ni Sandra Connelly, deputy associate administrator ng science mission directorate ng NASA, “Scientists believe Europa has suitable conditions below its icy surface to support life. Its conditions are water, energy, chemistry and stability.”
Kabilang sa mga layunin ng misyon ay ang pagsukat sa panloob na karagatan at ang layer ng yelo sa itaas nito, pagma-map sa komposisyon ng ibabaw ng Europa, at paghahanap ng water vapor plumes na maaaring lumabas mula sa icy crust nito.
Ang plano para sa Europa Clipper simula sa 2031 ay ang magsagawa ito ng malapitang paglipad sa Europa sa loob ng tatlong taon, na singlapit ng 25 kilometro sa surface nito.
Ang Europa Clipper ay mago-operate sa isang “intense radiation environment” sa paligid ng Jupiter, ang pinakamalaking planeta sa ating solar system.
Ang Jupiter ay nababalot ng isang magnetic field na nasa 20,000 ulit na mas malakas kaysa sa Mundo. Ang magnetic field na ito ay umiikot, humihigop at nagpapalakas sa charged particles na maaaring makasira ng spacecraft.
Ang NASA ay gumawa ng isang vault na yari sa titanium at aluminum sa loob ng Europa Clipper upang protekthan ang sensitibong electronics mula sa nasabing radiation.
Ayon kay Connelly, “One of the Europa Clipper mission’s main challenges is delivering a spacecraft hardy enough to withstand the pummeling of radiation from Jupiter but also sensitive enough to gather the measurements needed to investigate Europa’s environment.”
Ayon sa NASA, “Europa Clipper is loaded with more than 2,750 kilograms of propellant to get it to Jupiter. For the launch, the spacecraft was placed inside the protective nose cone atop the rocket.”
Hindi didirekta ang spacecraft patungo sa Jupiter. Sa halip, ito ay lilipad sa Mars, pagkatapos ay babalik sa Mundo, gamit ang gravity ng bawat planeta upang dagdagan ang momentum nito tulad ng isang tirador.
Ang malawak na solar array nito, na itiniklop para sa launching ay mag-iipon ng sikat ng araw para paganahin ang siyam na scientific instruments ng spacecraft, at maging ang electronics at iba pang subsystems nito.