Nasawi sa Gabon ferry disaster umakyat na sa 26
Sinabi ng public prosecutor office, na umakyat na sa 26 ang nasawi sa ferry disaster sa baybayin ng Gabon noong nakaraang buwan, matapos marekober ang dalawa pang bangkay.
Labing-isang araw na ang nakalilipas, nang lumubog ang ferry na may lulang 161 mga pasahero at crew na galing sa Libreville, kapitolyo ng Gabon at patungo sana sa Port-Gentil, sampung kilometro mula sa pampang.
Dahil sa trahedya ay nagbitiw ang transport minister ng Gabon, habang 33 katao naman ang inaresto sa ilalim ng isang criminal investigation.
Kabilang sa mga ikinulong ay mga opisyal ng ministry of transport, merchant marine at mga opisyal ng Royal Cost Marine na siyang may-ari sa lumubog na ferry.
Sinabi ni prosecutor Andre Patrick Roponat, na ang nagpapatuloy na paghahanap sa mga nawawala ay nagresulta sa pagkakadiskubre sa bangkay ng dalawang lalaki, kaya umakyat na sa 26 ang namatay at 11 naman ang nawawala pa rin.
Marami sa mga nakaligtas sa ferry accident ang nagsabing hindi sila nakatanggap ng sapat na tulong o gabay mula sa crew.
Ang ilan ay gumugol ng ilang oras sa dagat habang nakakapit sa inflatable rafts bago sila nailigtas ng isang flotilla ng mga de-motor na bangka at isang supply barge para sa industriya ng langis.
© Agence France-Presse