Nasawi sa warehouse explosion sa Thailand, umabot na sa sampu
Umakyat na sa sampu ang bilang ng nasawi mula sa malakas na pagsabog sa isang warehouse sa katimugang Thailand.
Ang naganap na pagsabog noong Sabado ng hapon sa bayan ng Sungai Kolok, ay pinaniniwalaang sanhi ng welding accident habang nagsasagawa ng konstruksiyon sa isang gusali na ilegal na pinag-iimbakan ng mga paputok.
Higit 100 katao ang nasaktan sa pagsabog, at ayon sa ulat ng local media ay daan-daang mga bahay din ang lubhang napinsala.
Sinabi ni Narathiwat provincial governor Sanan Pongaksorn, “We have identified 10 people and found parts of two bodies which we cannot identify yet. We are sending to forensics to do DNA tests but primary reports said they were different.”
Ayon sa pulisya, iniimbestigahan na nila ang sanhi ng pagsabog sa gusali at idinagdag na naniniwala sila na hindi lisensiyado ang gusali para mag-imbak ng mga paputok.
Sinabi ni Narathiwat police commander, Police Major General Chalermporn Khamkhiew, na ilang sandali bago ang pagsabog ay may naganap na delivery ng firecrackers.
Aniya, “We are investigating if those firecrackers were transported legally or illegally. As of now, we do not see any licence for possession of firecrackers or firecracker sales. We assume the factory has no licence.”
Dagdag pa ni Khamkhiew, “The blast detonated from roughly 1,000 kilograms (a ton) of gunpowder, causing two holes roughly two metres deep and six metres (20 feet) wide.”
Ayon naman kay Colonel Suthawet Thareethai, hepe ng pulisya sa Muno district, “We have issued a summons to the owner of the factory with the charge of negligence, which caused the accident. We are waiting for him to come.”
Sinabi ng mga opisyal na isang command centre ang itinayo hindi kalayuan sa pinangyarihan ng insidente, at nakatanggap na ang mga awtoridad ng 365 mga reklamo mula sa mga nasaktan, o napinsala ang mga bahay.
Ayon sa mga opisyal, “Some government office and private schools were also damanged.”
Sinabi ng pulisya na sa orihinal na 115 nasaktan sa pagsabog, nasa 106 katao ang nakalabas na. Ang kondisyon naman ng mga naiwan sa pagamutan ay hindi pa batid.
Samantala, tutulong ang army sa recovery at clean-up operation, ayon kay southern army commander Lieutenant General Santi Sakhutanark, “We will provide manpower and equipment.”
Ang mga pagsabog sa mga workshop na gumagawa ng firecrackers at iba pang pyrotechnics ay hindi na bago sa Thailand.
Ang nangyaring pagsabog noong Sabado ay naganap limang araw lamang makalipas na 11 katao ang napaulat na nasaktan nang sumabog ang isang fireworks factory sa northern Chiang Mai city.
Mahina rin ang safety record ng Thailand sa construction sector at karaniwan na ang mga aksidenteng nagreresulta sa kamatayan.
Noong isang buwan lamang ay dalawa katao ang nasawi nang bumagsak ang isang ginagawang tulay.