National Privacy Commission iniimbestigahan na ang sinasabing hacking sa servers ng COMELEC

Nagpatawag ng clarificatory hearing ang National Privacy Commission (NPC) kaugnay sa sinasabing hacking at data breach sa servers ng COMELEC.

Itinakda ng NPC ang pagdinig sa Enero 25 na isasagawa via teleconferencing.

Kaugnay nito, inatasan ng NPC ang COMELEC, Manila Bulletin at ang Technology Editor & IT Head nito na si Art Samaniego Jr.na naglabas ng ulat ukol sa sinasabing hacking na dumalo sa hearing.

Gayunman, sinabi ni Privacy Commissioner John Henry Naga na sinimulan na rin ng Complaints and Investigation Division nito ang sariling imbestigasyon.

Nagisyu na rin ng abiso ang NPC sa poll body para ipaliwanag ang sinasabing data breach.

Iginiit ng NPC na dapat sagutin ng COMELEC ang seryosong alegasyon at alamin kung nakompromiso ang mga personal at sensitibong impormasyon at datos na may kaugnayan sa eleksyon sa Mayo.

Ipinagutos din ng NPC sa poll body na magsagawa ng komprohensibong imbestigasyon sa insidente at isumite ang resulta hanggang Enero 21.

Moira Encina

Please follow and like us: