Nationwide mock elections, isasagawa ng COMELEC sa Dec. 29
Bilang paghahanda sa pambansang halalan sa susunod na taon, magdaraos ang COMELEC ng mock elections sa iba’t ibang panig ng bansa sa Disyembre 29.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, isasagawa ang mock polls sa Metro Manila, Isabela, Albay, Negros Oriental, Leyte, Maguindanao, at Davao del Sur mula 7:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Sa NCR gaganapin ang voting simulation sa Pasay City, Taguig City at Pateros.
Pero sa Pasay idaraos ang media observation ng mock elections na ila-livestream din ng COMELEC.
May average na 500 hanggang 600 botante sa bawat clustered precincts na pagdarausan ng mock polls.
Ipinakita rin ni Jimenez ang test ballot na gagamitin sa mock elections na 30 inches ang haba.
Nilinaw ng opisyal na fictitious ang pangalan na nakalagay sa test ballots at hindi ang tentative list ng mga kandidato.
Ayon sa opisyal, layon ng aktibidad na makita kung papaano ang magiging performance ng sistema sa halalan.
Kaugnay nito, inihayag ni Jimenez na sa Enero 7 inaasahan ng poll body na mailalabas nito ang pinal na listahan ng mga opisyal na kandidato sa eleksyon.
Target naman ng COMELEC na maumpisahan ang pagimprenta ng balota sa Enero 15.
Tiwala rin ang opisyal na walang malaking epekto sa preparasyon sa halalan ang dumaang bagyo dahil malayo pa ang botohan.
Moira Encina