Natirang pondo sa Bayanihan 1 at 2 ayaw ipagalaw ni Pangulong Duterte para magamit sa patuloy na paglaban sa pandemya ng COVID-19
Nakiusap si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na huwag munang galawin ang natirang pondo sa Bayanihan 1 at 2.
Sa kanyang regular weekly Talk to the People sinabi ng Pangulo na bagamat ibinalik na ng Malakanyang sa National Treasury ang hindi nagamit na pondo sa Bayanihan 1 We Heal as One at Bayanihan 2 We Recover as One ay kailangang mayroon paring standby fund allocation ang pamahalaan para patuloy na labanan ang epekto ng pandemya ng COVID 19.
Ayon sa Pangulo, mahalagang nakahanda parin ang gobyerno sa pagharap sa pandemya ng COVID-19 dahil bagamat humuhupa na ito sa bansa ay patuloy naman na nagkakaroon ng panibagong mutation ang Coronavirus na maaaring muling lumobo ang kaso tulad ng nagaganap sa ibang mga bansa.
Inihayag ng Pangulo hindi pa nakakatiyak ang buong mundo kung matatapos na ang problema sa pandemya ng COVID-19 dahil lumulutang parin ang ibang variant ng Coronavirus.
Vic Somintac