Natitirang petisyon kontra sa naging kandidatura noon ni PBBM tuluyan ng Ibinasura ng Comelec
Wala ng anumang mosyon o petition ng natitira ngayon sa Commission on Elections na kumukwestyon sa naging kandidatura ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong May 9 presidential elections.
Ito ay matapos pagtibayin ng Comelec en banc ang naunang desisyon ng kanilang 1st division na nagbasura sa petisyong humihiling ng perpetual disqualification laban kay PBBM sa pagtakbo sa anumang elective position.
Ang petisyon ay inihain ng nagpakilalang grupo ng mga Ilokano sa pangunguna ni Margarita Salonga Salandanan at iba pa.
Iginiit nila na nahatulan na sa isang kasong kinasasangkutan ng moral turpitude si PBBM .
Kaugnay ito sa kanyang hindi nabayarang buwis mula 1982 hanggang 1985 pero ang isyu na ito ay naresolba na maging ang tax case noon.
Ayon sa en banc, nagkamali ng interpretasyon ang mga petitioner sa naging desisyon ng Court of Appeals na maituturing na final at executory.
Sa nasabing CA resolution inalis rin umano ang parusang pagkabilanggo.
Sinabi ng Comelec en banc na wala silang nakitang dahilan para baliktarin ang naunang desisyon ng 1st division.
Madelyn Villar – Moratillo