NBA legend na si Michael Jordan, magdo-donate ng $10 million sa isang nonprofit organization
Isang record-breaking $10 million ang ido-donate ng basketball great na si Michael Jordan, sa Make-A-Wish foundation upang markahan ang kaniyang ika-60 kaarawan.
Ang donasyon ni Jordan sa Make-A-Wish — na naglalayong matupad ang mga kahilingan ng mga batang nasa pagitan ng 2-18 taon na nakikipaglaban sa kritikal na karamdaman – ay ang pinakamalaki sa 43 taong kasaysayan ng nonprofit organization na nakabase sa Arizona.
Ang six-time NBA championship winner ay may matagal nang ugnayan sa naturang organisasyon, kung saan ang una rito ay noong 1989.
Sa isang pahayag mula sa Make-a-Wish nakasaad na umaasa ang 59-anyos na bilyonaryo na ang kaniyang ginawa ay magbibigay ng inspirasyon sa iba para mag-donate rin sa foundation.
Ayon sa isang news release, sinabi ni Jordan, “For the past 34 years, it’s been an honor to partner with Make-A-Wish and help bring a smile and happiness to so many kids. Witnessing their strength and resilience during such a tough time in their lives has truly been an inspiration. I can’t think of a better birthday gift than seeing others join me in supporting Make-A-Wish so that every child can experience the magic of having their wish come true.”
Sinabi ng Make-A-Wish, na “daan-daan” nang kahilingan ng mga bata sa buong mundo ang nabigyan ng katuparan ni Jordan mula pa noong 1989.
Ang kanyang multimillion-dollar na donasyon ay gagamitin upang lumikha ng isang “endowment” upang makatulong na matupad ang mga kahilingan sa hinaharap para sa mga bata at kabataang may malubhang karamdaman.
Ayon kay Make-A-Wish America chief executive Leslie Motter, “Everyone knows about Michael’s legacy on the basketball court, but it’s what he has consistently done off the court when no one’s watching that makes him a true legend for wish families and the wider Make-A-Wish community.”
Si Jordan ay itinuturing ng marami bilang ang pinakadakilang manlalaro ng basketball sa kasaysayan, na may anim na NBA Finals MVP award bilang karagdagan sa kanyang mga championship ring.
Nanalo rin siya ng five season MVP awards at 14-time All-Star sa panahon ng kaniyang basketball career mula 1984 hanggang 2003.
© Agence France-Presse