NBI , aminadong nahirapan para makaharap at makausap si Teves sa Timor Leste
Hindi naging madali sa team ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagtungo sa Timor Leste para makita at makausap si dating Congressman Arnulfo Teves Jr. makaraan na maaresto ito doon noong nakaraang linggo.
Ayon kay NBI Director Medardo De Lemos, nahirapan sila sa mga proseso sa Timor Leste gaya sa pagkuha ng litrato at sa pagkausap kay Teves para mapatunayan na nahuli at buhay nga ito.
Maging finger prints at mug shot aniya kasi ni Teves ay walang ibinigay ang mga opisyal sa Timor Leste.
Tumanggi naman si De Lemos na sagutin kung sa tingin nito ay may impluwensya si Teves sa mga opisyal sa nasabing bansa.
Nakasagutan din anila ang mga abogado ni Teves at mahaba ang naging negosasyon bago nila ito nakaharap.
Nilinaw naman ng opisyal na boluntaryo ang pagkuha ng NBI ng larawan ni Teves.
Sinabi ni De Lemos na nang makausap na niya si Teves ay inamin nito na nababahala siya para sa kaniyang buhay sa Pilipinas.
Aabutin naman ng pitong araw hanggang 40 araw ang court hearing ng Timor Leste kay Teves bago madesisyunan kung ano ang susunod na aksyon at kung papaano maibabalik ito sa Pilipinas.
Moira Encina