NBI at IBP lumagda ng kasunduan para matugunan ang mga pag-atake sa mga abogado at hukom
Magkakaroon na ng mas malakas na koordinasyon at komunikasyon sa pagitan ng Integrated Bar of Philippines (IBP) at National Bureau of Investigation (NBI).
Ito ay bunsod ng memorandum of agreement na nilagdaan ng dalawang institusyon para maproteksyunan ang mga nasa legal profession at hudikatura mula sa mga karahasan at pag-atake sa buhay at seguridad.
Sa limang-pahinang dokumento na pinirmahan nina NBI OIC-Director Eric Distor at IBP National President Domingo Cayosa, pagkakalooban ng tulong ng NBI ang mga abogado, piskal, hukom, at mahistrado na nasa distress at magbibigay ng seguridad at proteksyon kung may pagbabanta o iba pang panganib dahil sa kanilang pagganap ng trabaho.
Nakasaad din sa kasunduan na pabibilisin ang imbestigasyon at bibigyan ng preferential attention ng NBI ang mga kaso o insidente ng karahasan laban sa nasa legal profession at tiyaking mapananagot ang mga salarin.
Sa panig ng IBP, pagkakalooban nito ng legal assistance ang mga kwalipikadong NBI personnel na nakararanas ng harassment sa paggawa ng kanilang trabaho at walang access sa competent na abogado.
Alinsunod pa sa MOA, lilikha ang IBP ng incentive at reward fund para tulungan at hikayatin ang mga informants at testigo para sa matagumpay na imbestigasyon, paghuli at prosekusyon ng mga suspek sa pagpatay o pag-atake sa mga abogado, piskal, at hukom.
Para maging mas epektibo ang MOA, nagkasundo ang NBI at IBP na gumawa at panatilihin ang direktang linya ng komunikasyon sa pagitan ng kanilang national at local officers para sa mas mabilis na kooperasyon.
Napagkasunduan din ng NBI at IBP na ibabahagi ng parehong partido ang mga datos at impormasyon nila sa isa’t isa hanggang sa kung ano ang pinapayagan ng kanilang rules at policies at nakapaloob sa mga batas.
Moira Encina