NBI bigong maisilbi ang subpoena sa dating tauhan ng LTFRB na nagsiwalat ng umano’y kurapsyon sa ahensya
Hindi naisilbi ng National Bureau of Investigation (NBI) ang subpoena sa dating opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na si Jeff Tumbado na nagsiwalat pero kalaunan ay binawi ang mga alegasyon ng katiwalian nito sa ahensya.
Ayon kay Department of Justice Spokesperspon Mico Clavano, mali ang address na nakalagay sa affidavit ni Tumbado kaya bigong maisilbi ang subpoena.
“I can confirm that though a subpoena was issued, it could not have been served due to the incorrect address on Mr. Tumbado’s affidavit. NBI obtained a certification that no such address exists.” pagkumpirma ni DOJ Spokesperson Asec. Atty. Mico Clavano
Aniya, nakakuha ng sertipikasyon ang NBI na hindi umiiral ang nasabing address.
Sinabi ni Clavano na nasa proseso ang NBI nang pagsilbi ng isa pang subpoena sa tamang address pero ito ay makapagdudulot ng delay dahil sa Lunes ito dapat humarap sa ahensya.
Maaari naman aniyang umugnay na si Tumbado sa NBI kung nais nito na humarap sa Lunes
Si Tumbado ang dating Executive Assistant ni suspended LTFRB Chair Teofilo Guadiz III.
Moira Encina