NBI handang umalalay sa imbestigasyon sa pagpatay sa isang abogado sa Puerto Princesa City
Ipauubaya muna ng Department of Justice o DOJ sa lokal na pulisya ang pag-iimbestiga sa pagpatay sa isang abogado sa Puerto Princesa City sa Palawan.
Sa inisyal na report, papunta ng court hearing si Atty. Eric Jay Magcamit nang pagbabarilin ng dalawang hindi pa kilalang suspek.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, inatasan na niya ang NBI na ialerto ang mga field agents nito sa posibleng pagtulong sa pulisya sa imbestigasyon sa insidente.
Sinabi naman ni NBI OIC Eric Distor na papaimbestigahan nila ang krimen sa NBI Puerto Princesa City District Office.
Kinondena naman ng Integrated Bar of the Philippines ang pinakahuling insidente ng pagpaslang sa mga abogado.
Binigyang-diin ng IBP na walang puwang sa sibilisadong lipunan ang mga karahasan lalo na sa mga nasa legal profession.
Moira Encina