NBI iimbestigahan ang pagpatay sa dalawang aktibista sa Guinobatan, Albay
Inatasan ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang NBI na imbestigahan ang pagpaslang sa dalawang aktibista sa Guinobatan, Albay.
Sa department order na pirmado ni Guevarra, ipinagutos din sa NBI na magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga taong responsable sa pagpaslang laban kina Marlon Naperi at Jemar Palero noong July 26.
Ang dalawa ay sinasabing binaril noong Lunes ilang oras bago ang SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte habang ginagawa ang protest graffiti na “Duterte Ibagsak” sa Banao Bridge.
Batay sa ulat, si Palero ay kasapi ng Organisasyon ng mga Magsasaka sa Albay (OMA) habang si Naperi ay miyembro ng Albay People’s Organization (APO).
Itinuturo ng grupong Defend Bicol Stop The Attacks Network ang mga pulis na nasa likod ng pagbaril sa dalawang aktibista.
Pero, ayon naman sa pulisya, nanlaban ang dalawa matapos mahuli ng mga pulis na ipinipinta ang anti-government slogan sa tulay kaya napilitan na barilin ang mga ito.
Moira Encina