NBI iniimbestigahan ang serye ng bus bombings sa Mindanao
Sinimulan na ng NBI ang sarili nitong imbestigasyon sa serye ng bus bombings sa Mindanao.
Nagtungo sa Mindanao sina NBI OIC Director Eric Distor kasama ang mga tauhan ng NBI-Counter Terrorism Division at mga forensic experts at evidence response team ng kawanihan para bisitahin ang mga areas of concern sa rehiyon.
Nanawagan din ang pamunuan ng NBI sa mga regional directors at iba pang opisyal na sumali sa imbestigasyon.
Ayon sa NBI, sa nakalipas na halos dalawang taon ay may anim na bombing attacks sa mga bus lines sa Mindanao.
Partikular sa Yellow Bus Line Inc., Mindanao Star Bus, at Rural Tours.
Sinabi ng NBI na nag-umpisa ang mga serye ng bombing incidents noong Enero 7, 2021 sa isang hoax bomb threat at extortion demand sa tanggapan ng YBLI Koronadal City sa South Cotabato.
Pagkatapos ng 20 araw noong Enero 27, 2021 ay isang bomba ang sumabog sa bus ng YBLI sa North Cotabato.
Ang pinakahuling insidente ng pambobomba ay noong Mayo 26, 2022 kung saan pinasabugan ang isa pang bus ng YBLI sa Koronadal City at roadside explosion sa Tacurong City, Sultan Kudarat.
Inihayag ng NBI na layunin ng kanilang imbestigasyon na matiyak ang pambansang seguridad at maiwasan ang posibleng malaking pag-atake hindi lang sa Mindanao kundi maging sa buong bansa.
Moira Encina