NBI team nakaantabay na sa posibleng deployment sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette
Naghahanda na ang buong NBI Forensic Investigation Service (FIS) sa posibleng pagtungo sa mga lugar na hinagupit ng bagyong Odette.
Ayon kay NBI Deputy Director at Spokesperson Ferdinand Lavin, inatasan na ng liderato ng NBI ang FIS partikular ang Disaster Victim Identification Team para tumulong sa pagtukoy sa mga nawawalang biktima ng bagyo.
Binubuo aniya ng NBI team ng walo hanggang 10 tauhan nito ng mga finger print experts, photographers, chemists, at dentists.
Sinabi ni Lavin na sakaling kailanganin ang kanilang serbisyo ay agad na idideploy ang team.
Sa ngayon ay wala pa aniya na partikular na lugar na target ang NBI na pupuntahan dahil depende ito sa LGUs na makikipa-ugnayan sa kanila.
Gayunman, may disaster victim identification team aniya ang NBI sa Cebu at Mindanao.
Aminado si Lavin na komplikado at maraming hamon ang proseso ng victim identification kaya posibleng umabot ito ng isa hanggang dalawang buwan.
Ang pinakahuli aniyang disaster victim identification na ginawa ng NBI ay ang landslide sa Itogon, Benguet bunsod ng Bagyong Ompong noong 2018.
Sa pinakahuling tala, hindi bababa sa 375 ang nasawi, 56 ang nawawala, at 500 sugatan dahil sa kalamidad.
Moira Encina