NCAP, ipinatigil ng SC; Oral arguments, itinakda sa Enero 24, 2023
Pansamantalang ipinahihinto ng Korte Suprema sa Land Transportation Office (LTO) at sa limang lungsod sa Metro Manila ang pagpapatupad ng ‘No Contact Apprehension Policy’ (NCAP).
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, effective immediately ang temporary restraining order (TRO) laban sa implementasyon ng NCAP.
Dahil dito, ipinagbabawal ng SC ang anumang mga paghuli o apprehensions ng mga otoridad sa ilalim ng mga ordinansa at programa sa NCAP.
Nagpatawag din ang Korte Suprema ng oral arguments sa Enero 24 ng susunod na taon sa ganap na ika-2 ng hapon sa mga petisyon na kumukwestiyon sa polisiya.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon ang mga transport group na KAPIT, PASANG MASDA, ALTODAP, at ACTO.
Gayundin ang abogadong si Juman Paa na nagmulta ng P20,000 dahil sa NCAP.
Respondents sa petisyon ang LTO at ang mga lokal na pamahalaan ng Maynila, Quezon City, Valenzuela City, Parañaque City, at Muntinlupa City.
Iginiit ng petitioners na walang legal na batayan at labag sa Saligang Batas ang implementasyon ng NCAP kaya ito dapat ipawalang- bisa.
Anila nilalabag ng NCAP ang maraming karapatan ng indibiduwal sa ilalim ng Konstitusyon.
Kabilang na rito ang right to privacy ng mamamayan bukod sa right to due process.
Moira Encina