NCR, maaaring isailalim sa Alert level 4
May posibilidad na itaas pa sa Alert Level 4 ang National Capital Region (NCR), bunsod ng patuloy na pagtaas sa kaso ng Covid-19.
Sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, na ito ang ikinukonsidera ngayon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-MEID), bunga na rin ng pagtaas sa healthcare utilization rate na malapit nang umabot sa “moderate risk.”
Ayon kay Duque . . . “Madali na lang yan pumalo sa moderate risk, which means 50 to 70% utilization rate. Nasa 47 to 48% na tayo ngayon ‘yun sa ICUs (intensive care units) natin sa NCR.”
Bukod pa aniya rito, marami na ring healthcare workers na tinatamaan ng virus.
Paliwanag ni Duque, nais ng gonyernong maiwasan ang sitwasyon dahil may sapat na bed spaces sa mga pagamutan, ngunit kulang na ang healthcare workers dahil dumarami na ang tinatamaan sa kanilang hanay.
Sa kasalukuyan ay nasa Alert Level 3 ang NCR at mga kalapit lalawigan na tatagal hanggang Jan. 15.
Sa ilalim ng Alert Level 4 ay pinapayagan pa ring mag-operate ang mga establisimyento sa 10% indoor capacity para sa fully vaccinated, habang 30% naman ang outdoor capacity.