NCR nakapagtala ng halos 9,000 bagong kaso ng Covid-19 sa loob lamang ng isang linggo
Nakapagtala ng 8,951 bagong kaso ng Covid-19 ang National Capital Region nitong nakaraang linggo lamang.
Mas mataas ito ng mahigit 2,000 kaso kumpara sa 6,381 Covid-19 cases na naitala sa NCR mula July 18 hanggang 24.
Sa datos ng Department of Health, patuloy pa ring nangunguna ang NCR sa mga rehiyon na may pinakamataas na bagong kaso ng virus infection.
Pumapangalawa ang Cordillera Administrative Region, at pumapangatlo ang Ilocos region.
Batay naman sa DOH Covid-19 tracker, sa ngayon ay may 13,335 active cases ng Covid-19 sa NCR.
Nangunguna sa mga lungsod na may pinakamataas na kaso ay ang Quezon City, Maynila, Makati, Pasig at Caloocan City.
Una rito, nagbabala si Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na posibleng umabot pa rin ng hanggang sa 30,000 aktibong kaso ng Covid-19 sa NCR hanggang sa Setyembre 30 sa kabila ng ipinatutupad na mas mahigpit na restriction at pagpapairal muli ng Enhanced Community Quarantine.
Pinaniniwalaang isa na sa mga factor na nagiging dahilan ng pagtaas ng mga kaso ngayon ng Covid-19 ay ang pagdami ng mga naitatalang kaso ng Delta variant sa bansa.
Sa datos ng DOH may 216 kaso na ng Delta variant ang naitala sa bansa, kung saan ang 119 rito ay local cases.
Madz Moratillo