Negosasyon ng Pilipinas para sa mga OFWs sa Kuwait ipinasususpinde ng isang senador
Nais ni Senador Raffy Tulfo na suspindihin muna ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pakikipag-negosasyon sa Kuwait government para sa ipinapadalang manggagawang Pinoy sa nasabing bansa.
Dismayado ang senador dahil kahit may negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait para sa mga kundisyon sa pagpapadala ng mga migrant workers doon, tuloy naman ang kanilang crackdown laban sa mga mangagawa Pinoy
Tinukoy ng senador ang deportation sa may 350 overseas Filipino workers (OFWs).
Ayon sa mambabatas, hindi dapat makipag-usap at lumuhod sa Kuwait ang gobyerno para lamang masunod ang mga inilatag na kundisyon ng Pilipinas sa pagpapadala ng mga migrant workers.
Ilan sa kundisyong inirekomenda ng mga senador bago payagan ang isang domestic worker ay ang pre-engagement seminar, background check at psychological at medical exam para sa mga employers.
Sa ngayon ay may ipinatutupad na temporary deployment ban ang Pilipinas sa mga first time domestic workers na magta-trabaho sa Kuwait matapos ang kaso ng karumal-dumal na pagpatay kay Julibee Ranara.
Meanne Corvera