Negosyante mula sa Tacloban, kinasuhan ng BIR sa DOJ dahil sa pagbebenta ng sigarilyo na may pekeng tax stamps na nagkakahalaga ng mahigit 354 milyong piso
Ipinagharap ng reklamong kriminal ng BIR sa DOJ ang isang negosyante mula sa Tacloban City na nahulihan ng mga sigarilyo na mayroong pekeng tax stamps na nagkakahalaga ng mahigit 354 million pesos.
Mga reklamong Unlawful Possession of Articles Subject to Excise Tax without Payment of the Tax at Possessing False, Counterfeit, Restored or Altered Stamp sa ilalim ng Tax Code ang isinampa ng BIR laban kay James Laplana Sy.
Ang negosyante ang sole proprietor ng CMS Enterprises na may address sa Tacloban City, Leyte at may pitong iba pang branches sa Tacloban at Maasin City.
Ang kaso ay nag-ugat sa pagsalakay ng NBI Eastern Visayas noong 2018 sa tatlong warehouse at apartment ni Sy sa Ormoc City.
Nadiskubre ng NBI ang iba-ibang kahon ng sigarilyo na nakalagay sa loob ng mga kahon na may kasamang electric fan at microwave labels.
Matapos ang isinagawang beripikasyon, nakumpirma na peke ang mga internal revenue stamps sa mga pakete ng sigarilyo.
Umaabot sa 2,026 master cases na naglalaman ng iba-ibang sigarilyo na may fake stamps ang kinumpiska mula kay Sy.
Ayon sa BIR, ito na ang pinakamalaking halaga ng mga sigarilyong may pekeng tax stamps na nakumpiska ng otoridad para sa taong 2018.
Kabuuang 354.55 million pesos ang hinahabol na buwis ng BIR sa negosyante.
Ulat ni Moira Encina