Nesthy Petecio, mag-uuwi ng silver medal sa Tokyo Olympics
Nabigo ang Pilipinas na makasungkit ng isa pang gintong medalya sa ginaganap na Tokyo Olympics matapos na matalo si Nesthy Petecio sa kanyang kalabang Japanese Boxer na si Sena Irie sa pamamagitan ng unanimous decision.
Naging agresibo si Petecio sa simula pa lamang ng laban, subalit madalas siyang niyayakap ng Japanese boxer.
Sa pangalawang round ay nakatama ng magkakasunud-sunod na suntok si Petecio subalit nakakabawi rin si Sena.
Naging mahigpitan ang laban dahil halos patas ang naging puntos ng dalawa matapos ang ikalawang round.
Sa ikatlo at huling round ay naging madalas na ang pagyakap ni Sena kay Petecio, subalit hindi nito napigilan ang Pinay boxer para makatama. Gayunman, nakakapuntos rin ang Japanese boxer.
Sa kabila nito, naging unanimous ang decision ng mga judge at ibinigay kay Sena ang panalo.
Ito na sana ang ikalawang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympics kung nagwagi si Petecio.
Gayunman, ang pag-akyat ni Petecio hanggang sa Olympic Finals at pagkakamit ng silver medal ay kauna-unahan pa rin sa kasaysayan ng Pilipinas.