NGCP, handa sa performance audit
Handang sumailalim sa anumang performance audit ang National Grid Corporations of the Philippines o NGCP.
Ang pagtiyak ay ginawa ng NGCP matapos na sabihin ng Department of Energy na tinitingnan nito ang posibleng pagsasagawa ng audit sa NGCP makaraang ilagay sa red alert ang Luzon grid habang nakaranas naman ng mahabang brownout ang Panay at Negros noong Abril.
Ayon kay NGCP Spokesman Atty. Cynthia Alabanza, handa sila sa anumang audit lalo na kung ito ay nakabatay sa regulatory framework.
Iginiit naman ni Alabanza na naipakita na nila sa publiko ang kanilang mga pasilidad dahil marami na silang naimbitahang opisyal ng gobyerno at regulator.
Dumepensa naman ang NGCP at nilinaw na ang pagsusuplay ng kuryente ay binubuo ng tatlong sektor, tulad ng generation, transmission at distribution.
Ang NGCP lang aniya ang transmission pero mga power plant ang generations at power utilities naman ang distribution.
Hindi aniya dapat nakapukol lang sa iisang component ang mga pangyayari noong May 8 red alert at April 27 Panay-Bacolod incident at dapat tingnan ang lahat ng sitwasyon .
Hanggat hindi aniya parehas ang tinatawag na protection settings ay posibleng mangyari ang mga hindi inaasahang kawalan ng kuryente.
Ito ay kahit pa mayroon anila silang nakalatag na redundancy sa kanilang transmission.
Meanne Corvera