NGCP, pinabibigyan ng ultimatum para mag alok ng kanilang shares of stocks
Pinabibigyan ng ultimatum ni Senador Sherwin Gatchalian sa Energy Regulatory Commission ang National Grid Corporation of the Philippines o NGCP para mag-alok na ng shares of stock nito sa Philippine Stock Exchange alinsunod sa mga kautusang nakapaloob sa prangkisa ng kumpanya bilang transmission system operator ng bansa.
Sa harap ito ng inihaing motion for reconsideration ng kumpanya na humihiling ng isang taong palugit para magsagawa ng Initial Public Offering.
Noong abril ay una nang iniutos ng ERC sa NGCP na magsumite ng compliance report at dapat isagawa na ang IPO.
Duda si Gatchalian na magagawa ng NGCP ang utos dahil wala aniyang
Ipinapakitang senyales sa pagtupad nito sa obligasyon na nakasaad sa batas.
Maliwanag, ani Gatchalian, na isang ganap na batas ang prangkisang ipinagkaloob sa NGCP at ang hindi nito pagtugon sa mga probisyong nakapaloob dito ay may kaakibat na parusa at multa.
Sinabi pa ng senador, na siyang chairman ng Senate Energy Committee, kinakailangan ang pagsunod ng NGCP sa kautusang ito dahil ito’y isang mekanismo na inilatag ng pamahalaan para mabigyan ng pagkakataon ang publiko na makalahok sa operasyon ng kumpanya na siyang namamahala at nangangasiwa ng transmission assets ng gobyerno.
Meanne Corvera