NHL players, hindi lalahok sa Beijing Olympics
Hindi lalahok ang National Hockey League (NHL) players sa Beijing Winter Olympics sa Pebrero, bunsod ng postponement ng 50 NHL games dahil sa Covid-19 issues.
Binanggit sa mga balita ang hindi pinangalanang source na nagsabing nagkasundo ang liga at ang NHL Players Association na hindi magpadala ng mga manlalaro sa China.
Nagkasundo ang NHL at players union na magpadala ng mga manlalaro sa 2022 at 2026 Winter Olympics, maliban nang maapektuhan ang league seasons ng Covid-19 postponements.
Subalit matapos ma-postpone ang laro sa pagitan ng Washington at Philadelphia bunsod ng outbreak mula sa visitors, napilitan ang NHL na ipagpaliban ang 50 games ngayong season.
Ang mga koponan ay wala munang laro simula ngayong Miyerkoles hanggang sa Sabado, at sasailalim naman sila sa testing sa Linggo. Ang papayagan lamang makapasok sa team facilities ay yaong mga magne-negatibo sa test.
Noong nakaraang Linggo ay inanunsiyo ng NHL, na lahat ng mga laro na kapapalooban ng cross-border travel para sa US at Canadian clubs ay hindi matutuloy. Siyam na koponan ang tumigil na ng operasyon hanggang sa season break sa Lunes.
Ayon sa isang tagapagsalita ng liga . . . “The NHL and NHLPA are actively discussing the matter of NHL Player participation in the 2022 Winter Olympics in Beijing, China, and expect to be in a position to announce a final determination in the coming days.” (AFP)