NICA iimbestigahan ang NAIA T3 power failure –DOTr
Mahigit 9,000 pasahero ang naapektuhan ng aberya sa suplay ng kuryente sa NAIA Terminal 3 noong Mayo 1 na nataon na holiday.
48 flights naman ng Cebu Pacific ang na-kansela ang biyahe dahil sa power outage.
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Cesar Chiong, ang apektadong pasahero ay katumbas ng 7% ng kabuuang pasahero na kadalasag siniserbisyuhan sa T3.
Ang cancelled flights naman aniya ay 6.5% ng total flight sa Terminal 3. Humingi naman ng paumanhin sa mga pasahero ang MIAA dahil sa abala na idinulot ng insidente.
Sinabi ni Chiong na patuloy pang inaalam ng mga otoridad ang sanhi ng power interruption.
Ipinaliwanag naman ni MERALCO Manila Sector Manager Noel Espiritu na may “fault current” o malaking amount ng kuryente na na-detect ang fault indicator.
Pero hindi aniya madali na madetermina kung ano ang eksaktong sanhi ng nasabing fault current.
Nakipag-ugnayan naman si Transportation Secretary Jaime Bautista sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA) para tumulong sa imbestigasyon sa power interruption kasama na rito ang anggulo ng pananabotahe.
Ito ay lalo na’t noong Enero 1 o Bagong Taon ay nangyari ang aberya rin sa kuryente.
Sinabi ni Bautista na naibalik ng MERALCO ang regular na suplay ng kuryente sa terminal ng 8:46 ng umaga ng Mayo 1.
Pero may ilang pasahero ang nag-ulat na bago mag-4:00 ng hapon ay nagkaroon muli nang saglit na power interruption sa terminal.
Moira Encina