No vax, no ride policy, kinuwestiyon sa Korte Suprema
Paglabag daw sa right to travel ng mamamayan ang no vaccination, no ride policy ng gobyerno.
Ito ang pangunahin iginiit ng Pasahero Partylist at ilang commuters sa kanilang 41- pahinang petisyon sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa ligalidad ng patakaran.
Respondents sa petisyon sina IATF Chair at Health Secretary Francisco Duque III, MMDA OIC Chair Romando Artes, at Transportation Secretary Art Tugade.
Nais ng mga petitioners na ipawalang-bisa at ipatigil ng Korte Suprema ang implementasyon ng polisiya.
Ayon sa grupo, discriminatory, iligal at labag sa Saligang Batas ang mga direktiba ng IATF, MMDA, at DOTR.
Ipinunto ng petitioners na walang batas na ipinasa ang Kongreso ukol sa vaccination at implementasyon ng no vaxx, no ride policy.
Dahil dito, dapat anilang ideklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema ang pagbabawal sa pagbiyahe ng mga hindi bakunado.
Suportado naman anila ang mga programa ng pamahalaan sa pagtugon sa pandemya pero dapat ito ay alinsunod sa mga umiiral na batas.
Bagamat nasa Alert Level 2 ang NCR at hindi na ipinapatupad ang polisiya, sinabi ng petitioners na mahalaga pa rin na mapagpasyahan at malinawan ng Supreme Court ang isyu ng legalidad sa paglimita sa biyahe ng mga unvaccinated.
Moira Encina