‘No vaxx, no ride policy’ para lamang sa non-essential na biyahe ng mga ‘di bakunado –Guevarra
Nanindigan si Justice Sec. Menardo Guevarra na hindi discriminatory sa mga hindi bakunadong indibiduwal ang ‘no vaccination, no ride’ na polisiya ng pamahalaan.
Ayon kay Guevarra, pinapayagan pa rin ang mga hindi bakunado na sumakay sa pampublikong sasakyan kung ito ay para sa trabaho at pagbili ng essential goods at kung may medical condition ito kaya hindi puwedeng magpaturok ng anti-COVID vaccines.
Nilinaw ng kalihim na ang ipinagbabawal sa polisiya ay ang pagbiyahe sa public transportation ng mga unvaccinated na para sa non-essential purposes gaya ng pagtungo sa amusement o leisure places.
Aplikable lamang din aniya ang polisiya sa NCR kung saan hindi problema ang access sa COVID-19 vaccines.
Iginiit ng kalihim na wala sa guidelines ang problema dahil maliwanag naman ito.
Alinsunod din aniya ito sa mga ordinansa sa mga lungsod sa Metro Manila na naglilimita sa galaw ng mga unvaccinated na tao.
Aminado si Guevarra na nagsisimula ang kalituhan sa mga taong naatasang magpatupad ng polisiya pero hindi naman ito nauunawan nang lubos, mali ang interpretasyon o kaya ang pinakamalala ang inaabuso ang kautusan.
Moira Encina